Tuesday, February 27, 2018

           “Ayon dismayado pa rin.  Hanggang ngayon, hanggang kailan pa kami mag-aantay? Hanggang ilang anibersaryo pa ba ang dadating na para kami sisigaw sa daan at hihingi ng hustisya?” ani Eliver Cablitas, asawa ng massacre victim na si Marites Cablitas. Isa lamang ito sa maraming kaso na sa Pilipinas ay mahirap talagang mabigyan ng katarungan ang ibang mga kaso lalo’t lalo na sa mga pamilya na hindi lubos na suportado sa pananalapi. Ito ang naging masaklap sa mga pangyayaring ito. Nasaan na ba ang katarungan na kanilang hinihingi? Nasaan na ang tulong na pinapangako ng president at kagawaran ng Pilipinas sa kanyang mamamayan? Nakalulungkot isipin na ang hustisya sa Pilipinas ay sadyang mabagal. Marami ang kinamamataya
n na lamang ang kasong kanilang isinampa at hinaharap. Marami kasing balakid sa pagtatapos ng isang kaso at paghahanap ng katotohanan  at maaaring ito ay dahil sa nakakagalit na mga rason. Mayroong ibang tao na ipinagtatapon ang kaso sa pamamaraan ng paggamit ng kapangyarihan galing sa pera. Ang iba ay nandaraya at ipinagkubit ang pag-asang makakahanap ng hustisya sa ilan. Kadalasan ay bigo ang isang mahirap sa paghingi ng katarungan kung mayaman ang kalaban nito. Ang hindi pantay na hustisya sa pagitan ng mayayaman at mahihirap ay isang malinaw na balakid para sa katarungan. Hindi rin patas ang hustisya sa Pilipinas sa pagitan ng ordinaryong tao at may kapangyarihan o maimpluwensya.

               Sa panahon at henerasyon ngatin ngayon mahirap sabihin kung gaano binibigyan ng pagpahalaga ng kabataan ngayon ang katarungan lalo’t lalong na sa mga isyung hinaharap ng ibang kapwa Pilipino. Ang hustisya o katarungan ay sensitibo at masalimuot na diskurso sa mundo  ng pilosopiya. Mahirap nga itong unawain dahil maraming pagtingin dito. Maaaring nagkakaiba ang mga pananaw ng katarungan ng mga tao dahil nag-uugat ang kahulugan nito sa mga nagkakaibang kultura ng tao ngunit nagkakaisa naman ang lahat sa pananaw na dapat makamit ang katarungan dahil ito ang nagpapatibay sa paninindigan at paniniwala ng bawat kasapi ng lipunang kanilang ginagalawan. Kung hindi nakakamit ang katarungan at palagian itong tinatalikuran ng pamahalaan, nagiging sanhi ito ng pagbagsak ng isang pamahalaan at pagkalusaw ng isang bansa. Ang hustisya ay mahalaga sa bawat tao dahil kapag walang hustisya ay hindi makakamit ang katarungan. Ang hustisya ay kailangan ng bawat tao dahil ito ang humuhusga ng katarungan ng bawat tao dahil pagnawala ang hustisya magiging magulo ang pamumuhay ng bawat tao dahil ito rin ang kumakatawan sa katahimikan ng ating bansa. Alam ninyo ba na ang hustisya  at katarungan ay nagpapahalaga ng pagkalinga, respeto at paggalang sa dignidad ng tao? Ibig sabihin ay ni rerespeto nito ang karapatang pantao ng ibang mga indibidwal.

               Isang halimbawa na naganap sa Pilpinas na humihingi ng hustisya ay ang kaso ng mga biktima ng Ampatuan Masaker, hustisya para sa mga biktima ng paglabag ng karapatang pantao. Walong taon ang nakalilipas at sa hanggang ngayon ay hindi parin nabibigyan ang mga kaanak ng biktima ng masaker. Ito ang naging pinakamalaking isahang patayan sa mga myembro ng midya sa kasaysayan. Ngunit, sa kabila ng mariing pagkundena ng mga mamamayan sa buong mundo sa insidente, hanggang kasalukuyan ay wala pa ring hustisyang natamo ang mga kaanak ng mga biktima.  

                Ang pangyayaring ito ay ang lubos na ikinalulungkot ng maraming mamamayan na kung saan ito rin ay ikinagagalit ng marami dahil sa walang aksyon na ginagawa. Nakakalungkot isipin na ang pambihirang pangyayari ito ay tila sadyang isang kasong gustong itapon dahil sa walang nais na pagsagot. Iba’t-ibang kagawaran na ng Pilipinas ang dumaan ngunit wala kahit isa ay binigyan ng tuon ang kasong ito. Ang mga boses ng mga biktima at mga kaanak ng biktima ay sumisigaw ng tulong at nananawagan ng hustisya. Sa bawat pagpapalit ng administrasyon ay padagdag lamang ng padagdag ang listahan ng mga aktibista, mga magsasaka, mga manggagawa, at mga katutubo na nagiging biktima ng mga madudugong operasyon ng mga militar, pulis at iba pang ahente ng pamahalaan. At ni isa sa mga na sangkot sa mga masaker, panggagahasa, pananakit, panununog, at iba pang paglabag sa karapatang pantao ay hindi naparusahan sa kanilang mga krimen sa mamamayan.

               Subalit sa lahat ng ito, mayroon ding tinatawag na International Day to End Impunity na ipinagdidiwang sa  ika-dalawampu’t tatlo (23) ng Nobyembre. Ang patuloy na paglabag sa karapatang pantao sa ating bayan ay nagpapatunay na ang impunity, ang kawalang-pananagutan, ay isang buhay na katotohanan sa ating bayan.  Ito ay pagkilala na, bagama’t marami ng mga lokal at international na mga batas na umiiral laban sa krimen, ay laganap pa rin ang kawalan ng pananagutan para sa mga krimen at paglabag sa karapatang pantao sa daigdigan.  Ang nais iparating nito ay sana mabigyan o marinig lamang ang kanilang boses para sana mapanagutan ang taong nasa likod ng lahat na ito na nakapagbibigay ng sakit sa damdamin ng mga tao. Na sana ay mabigyan ng parusa na karapat dapat lamang para sa mga taong nagnakaw ng kasiyahan ng tao at pamilya.